APRIL 23, 2026
Nagsagawa ng emergency meeting ngayong araw ang Pamahalaang Panlalawigan Sorsogon sa pangunguna ni Provincial Administrator Franco Eric Ravanilla kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (SPDRRMC), mga partner na ahensya tulad ng DOST-PHILVOCS, PNP, AFP, BFP at iba pa, kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon ng Bulusan Volcano na nananatili sa Alert Level 1, kasabay ng pagtaas ng volcanic earthquakes at sulfur dioxide emissions.
Sa naturang pagpupulong, pinagtibay ang kahandaan ng lalawigan sa posibilidad ng pagputok ng bulkan, lalo na’t hindi pa matiyak ang magiging lakas ng pagsabog dahil sa lagay ng panahon at direksyon ng hangin. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagiging handa ng publiko, partikular sa mga residenteng malapit sa danger zone na maaaring maapektuhan ang kalusugan.
Bilang bahagi ng paghahanda, naka-ready na ang SPDRRMC sa pamamahagi ng mga facemask, habang patuloy ang mahigpit na monitoring sa mga barangay sa loob ng danger zone katuwang ang mga kalapit na munisipyo ng Casiguran, Juban, at Irosin upang matiyak ang agarang pag-abot sa mga apektadong lugar.
Nakapaglabas na rin ng deployment order ang mga kinauukulang ahensya upang mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente. Nakaantabay na rin ang mga evacuation centers, suplay ng tubig, at food packs sakaling kailanganin ang agarang paglikas ng mga apektadong residente.
Layunin ng pulong na matiyak ang agaran at coordinated na pag-activate ng mga operasyong pang-emergency sa loob ng 20 minuto matapos ang isang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan sa pamamagitan ng isang maayos na Incident Management Team (IMT). Target din na maisagawa ang mabilis na paglilinis ng mga apektadong lugar at maibalik ang ligtas at madaanan na mga kalsada sa loob ng apat (4) na oras sa pamamagitan ng isang organisado at multi-agency na pagtugon.